CAAP at DOTr handa na sa pagharap sa mga imbestigasyon ng Kamara at Senado sa aberya sa air traffic management
Tiniyak ng pamununuan ng Civil Aviation Authority of The Philippines (CAAP) na wala silang itatagong impormasyon sa isasagawang congressional hearings sa nangyaring glitch sa air traffic system ng bansa.
Sinabi ni CAAP Director General Manuel Antonio Tamayo na ilang araw nagpulong ang mga opisyal ng CAAP at Department of Transportation (DOTr) upang mapaghandaan ang pagdalo sa mga imbestigasyon ng Kamara at Senado.
Ayon kay Tamayo, nais nila na tama ang lahat ng mga impormasyon at update na ilalahad nila sa mga pagdinig ng Dalawang Kapulungan ng Kongreso.
Iginiit ng opisyal na bukas sila sa lahat ng uri ng imbestigasyon para mabatid ang tunay na dahilan ng aberya sa air space ng bansa.
Nilinaw naman muli ni Tamayo na batay sa inisyal na imbestigasyon ay walang sabotahe o cyber security attack na nangyari kaya nagkaroon ng problema sa air traffic management center ng CAAP.
Moira Encina