CAAP ginawaran ng Plaque of Appreciation ng PN
ZAMBOANGA CITY – Ginawaran ng Plaque of Appreciation ang Civil Aviation Authority of the Philippines ( CAAP ) ng Philippine Navy ( PN ) bilang bahagi ng paggunita sa 23rd Founding Anniversary ng Naval Forces Western Mindanao ( NFWM ). Ito ay idinaos sa Tangan Gymnasium, Naval Forces Western Mindanao, Naval Station Romulo Espaldon, Bagong Calarian Zamboanga City nitong Oktubre 2, 2019.
Ipinagkaloob ng Armed forces of the Philippines ( AFP ) ang Plaque of Appreciation sa pamamagitan ni Philippine Navy Flag Officer in Command VADM Robert A. Empedrad na may lagda ni PN Rear Admiral Erick A. Kagaoan. Tinanggap naman ni Area 9 Manager Antonio B. Alfonso ang naturang gawad ng pagkilala sa CAAP dahil sa di-matatawarang suporta nito sa NFWM sa mga nagawa at pagsasakatuparan ng misyon at mandato ng Hukbo ng Sandatahang Lakas ng bansa.
Ang awarding ceremony ay sinaksihan din ng mga opisyal ng militar na nasa serbisyo maging ng mga sibilyan mula sa iba’t-ibang sektor at grupo. Kabilang din sa ginawaran ng plaque of appreciation ang ilang ahensiya ng pamahalaan, mga kawani o opisyal gayundin ang mga pribadong indibiduwal dahil sa kanilang serbisyo para sa mga adhikain ng Philippine Navy.