CAAP hihilingin na magamit ang dividends na inireremit nito para sa modernisasyon ng mga equipment
Nais ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na magamit ang dividends na inire-remit nito sa national treasury para sa pag-upgrade ng mga equipment ng ahensya.
Sinabi ni Transportation Undersecretary for Aviation and Airports Roberto Cecilio Lim na mag-a-apply ang Department of Transportation (DOTr) at CAAP ng dispensasyon mula sa Dividend Remittance Law.
Aniya sa ilalim ng batas ay inoobliga ang mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) tulad ng CAAP na i-remit sa national treasury ang 50% ng kita nito.
Pero ayon kay Lim, hihilingin nila na magamit muna ang dividends para sa modernisasyon ng assets at mga kagamitan ng CAAP.
Paliwanag ni Lim, sa ganitong paraan ay makakalikom sila ng pondo para magamit sa mga priority projects ng CAAP.
Ito ay kasunod na rin ng glitch sa air traffic management center na nakaapekto sa libu-libong pasahero sa mga paliparan sa bansa sa unang araw ng Bagong Taon.
Inihayag pa ni Lim na sa ibang mga bansa gaya ng U.S. ay ginagamit lamang ang mga kita ng transportation o aviation agencies para sa aviation-related purposes.
Moira Encina