CAAP , nagkaroon ng kapabayaan sa nangyaring shutdown ng navigational system ng NAIA noong Enero
Hindi pananabotahe at cyberattack ang nangyaring pag shutdown ng navigational system ng Ninoy Aquino International Airport noong January 1 kundi kapabayaan ng mga opisyal ng Civil Aviation Authority of the Philiipines o CAAP.
Ito ang resulta ng imbestigasyon ng Senado sa nangyaring air traffic glitch na nakaapekto sa halos tatlong daang flights o animnapung libong mga pasahero.
Iprininsinta na ni Senator Grace Poe na Chairman ng Senate Committee on Public Services ang Committee Report sa Senado at ang rekomendasyon ng Senado.
Sa Committee report no 39, inirekomenda ng Senado na paspasan at i upgrade ang gamit ng CAAP para hindi na maulit ang kaparehong insidente.
Marami na raw kasing gamit na depektibo tulad ng power supply at circuit breaker.
Isinusulong rin ang amyenda sa charter ng CAAP, pagsasabatas ng passengers bill of rights at pagbuo ng transportation safety board na syang mag iimbestiga tuwing may ganitong kaso.
Pinabibilisan rin ni Poe ang ginagawang pag-aaral ng Department of Transportation sa mga panukalang isapribado ang NAIA at magkaroon ng master contigency plan na tutukoy sa mga emergency procedure gaya ng insidente ng traffic glitch.
Meanne Corvera