CALABARZON Malaria free na ayon sa DOH
Malaria free na ang lahat ng lalawigan sa Region 4A o CALABARZON.
Ayon kay Health OIC Ma. Rosario Vergeire, sa kabuuan ay 66 na lalawigan sa bansa ang deklarado nang Malaria free.
Sa ngayon ay Palawan na lamang aniya ang hindi pa naidedeklarang ligtas mula sa sakit.
Ayon kay Vergeire, sa pinakahuling monitoring ay may 3,207 kaso ng Malaria ang naitala sa lalawigan.
Aminado ang opisyal na malaking hamon ito dahil sa environment ng probinsya na maraming kabundukan.
“It’s a challenge, alam naman natin ang habitat at environment sa Palawan,”paliwanag ni Vergeire.
Sa 2030 target ng gobyernng maabot ang Malaria free Philippines pero makakamit lang ito kung pagsapit ng 2026 ay wala ng makitang kaso ng sakit sa Palawan.
Puspusan aniya ang trabaho ng gobyerno para mapababa ang transmission ng sakit sa mga komunidad.
“We can’t do surveillance insecticides. Paglilinis talaga di lang sa household,” dagdag ng opisyal.
Ang Malaria ay nakamamatay! Mula ito sa plasmodium parasites na karaniwang naililipat sa pamamagitan ng kagat ng lamok.
Kabilang sa sintomas ng sakit ay lagnat, pananakit ng ulo at chills.
Madelyn Moratillo