Calamba LGU, nagsagawa ng force evacuation sa mga residente sa low-laying areas dahil sa bagyong Quinta.
Nagsagawa ng force evacuation sa mga residente na nasa low-laying areas malapit sa mga ilog at tabing dagat.
Ito ay kasunod ng pagdedeklara ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) ng Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) number 3 sa lalawigan ng Laguna ng bagyong Quinta.
Dahil dito, naging maagap ang Lokal na Pamahalaan Calamba na sapilitan nang ilikas ang mga nakatira sa mababang lugar malapit sa tabing ilog at coastal areas dahil na rin sa pangambang pagtaas ng tubig na mapanganib sa mga residente.
Sa tulong ng mga Barangay Official, Barangay Quick Response Team ( BQRT) Department of Social Welfare and Development (DSWD) Public Order Safety Office (POSO) at Laguna Disaster Risk Reduction Management Department (LDRRMD), agad dinala ang mga tao sa mga basketball court na ginawang pansamantalang evacuation centers.
Kabilang sa mga low-lying areas ay
ang mga Barangay Sampiruhan, Palingon, Lingga, San Juan, San Cristobal, Looc,
Uwisan, Parian, real, Bucal at Pansol.
Ayon sa POSO at LDRRMD, may kabuuang 165 pamilya katumbas ng 676 na indibiduwal ang bilang ng evacuees.
Sa loob ng evacuation centers ay may kaniya-kaniyang tent ang mga ito, sinusuplayan ng mga pagkain at iba pang pangangailangan.
Samantala, isinara muna ang Bucal bypass road sa Barangay Bucal dahil sa pagguho ng lupa na lubhang peligro sa mga tao sa lugar. Kaya naman inaabisuhan ng mga otoridad ang mga motorista na iwasan na muna ang nasabing lugar at dumaan na lamang sa ibang alternate route.
Sa Barangay Prinza, isang poste ang pinadapa ng bagyong Quinta at bumalandra ito sa gitna ng kalsada kaya hindi na madaanan ito ng anumang uri ng sasakyan. Nagdulot din ito ng power interuption sa mga kabahayan sa lugar.
Ronald Duran