California, nagpatupad ng panibagong curfew dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19
LOS ANGELES, United States (AFP) — Nagpatupad ng curfew ang California sa magkabilang panig ng estado, para mapigilan ang mabilis na pagtaas sa mga kaso ng coronavirus.
Sinabi ni Governor Gavin Newsom, na ang 10:00 pm to 5:00 am stay-at-home order ay magkakabisa sa Sabado ng gabi at patuloy na ipatutupad hanggang sa December 21.
Aniya, napakahalagang kumilos na para mabawasan ang hawaan at pagkaka ospital bago tumaas ang bilang ng mga masasawi. Nagawa na anya ito noon at kailangang gawing muli.
Ayon sa mga awtoridad, ang COVID-19 cases ay tumaas ng tinatayang 50 percent sa California sa unang linggo ng Nobyembre, na naging sanhi ng pangambang mapuno na naman ng mga bagong psyente ang mga ospital.
Sinabi ni Erica Pan, acting public health office ng estado na maaaring mapilay ang health care system at posibleng malagay sa panganib ang buhay ng libo-libong tao kung magpapabaya.
Ibinabala naman ni Mark Ghaly, health and human services secretary ng California, na maaaring magpatupad ng mas mahihigpit pang restriksyon maliban na lamang kung bumaba na ang mga kaso.
Sa ngayon ay nakapagtala na ang America ng higit 251,000 fatalities at higit 11.6 million reported cases, batay sa running tally ng Johns Hopkins University, ang pinakamataas na naitalang national death toll.
Ikinaalarma ng mga awtoridad ang pagtaas sa mga kaso, kayat hinimok ng US Centers for Disease Control and Prevention ang kanilang mga mamamayan na huwag munang bumiyahe para sa Thanksgiving holiday sa susunod na linggo.
© Agence France-Presse