Cameroonian national na nagbebenta ng pekeng dollar bills, arestado ng BSP at PNP
Timbog sa entrapment operation ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at mga pulis ang Cameroonian national na aktong nagbebenta ng pekeng US dollar bills.
Kinilala ang suspek na si Fonki Gregory Abueh, 47 anyos at residente sa Makati City.
Ayon sa BSP, nakumpiska rin mula kay Abueh ang 14 na piraso ng fake 100-dollar bills.
Nadakip ang dayuhan sa operasyon ng Quezon City Police Anti-Cybercrime Team at BSP Payments and Currency Investigation Group sa Taguig City.
Ipinagharap na ang suspek sa Taguig City Prosecutor’s Office ng mga reklamong illegal possession at use of false treasury or banknotes and other instruments of credit sa ilalim ng Revised Penal Code.
May hiwalay din na reklamong estafa sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012 laban kay Abueh dahil sa financial investment online scam.
Moira Encina