Canada, US border mananatiling sarado hanggang January 21
OTTAWA, Canada (AFP) – Mananatiling sarado ang pinakamahabang international border sa buong mundo, sa pagitan ng Canada at United States, hanggang sa January 21 dahil sa COVID-19 pandemic.
Inanunsyo ni Prime Minister Justin Trudeau, na nagkasundo ang Canada at Estados Unidos na manatiling sarado ang shared border ng dalawang bansa.
Una nang isinara ang border noong Marso, upang pigilan ang pagkalat ng novel coronavirus.
Magmula noon ay buwan-buwan nang nire-renew ang pagsasara rito, kung saan tanging ang pagpasok lamang ng goods, merchandise at essential travel ang pinapayagan.
Ang second wave ng COVID-19 infections sa Canada – na ang napaulat na kabuuan ay halos 450,000 cases na – ang nagbunsod para mapilitan ang ilang rehiyon na muling magpatupad ng pandemic measures.
Ang Estados Unidos naman ang pinakagrabeng tinamaan ng virus sa buong mundo, kung saan halos 300,000 na ang nasawi mula sa 15.7 million cases.
Samantala, mamamalagi ring sarado ang border sa pagitan ng US at Mexico hanggang sa January 2021 ayon kay Chad Wolf, acting head ng Department of Homeland Security.
© Agence France-Presse