CanSinoBIO COVID-19 vaccine ng China, binigyan na ng awtorisasyon ng WHO
Binigyan na ng awtorisasyon ng World Health Organization (WHO), ang Chinese manufacturer ng CanSinoBIO Covid-19 vaccine — ang ika-siyam na bakuna na nakakuha ng seal of approval ng WHO.
Binigyan ng WHO ng emergency use listing (EUL) authorization ang single-shot Convidecia vaccine, habang nilalabanan ng China ang muling paglitaw ng virus na na-trigger ng Omicron variant.
Ito na ang ikatlong Chinese-made vaccine na inaprubahan ng health agency ng United Nations (UN), pagkatapos ng Sinovac at Sinopharm.
Ang Convidecia ay nasumpungan na nagtataglay ng 64 na porsiyentong bisa laban sa symptomatic disease, at 92 porsiyentong bisa naman laban sa severe Covid-19.
Ayon sa WHO . . . “The vaccine meets WHO standards for protection against Covid-19 and … the benefits of the vaccine far outweigh risks.”
Ang bakuna ay inirekomenda ng WHO vaccine experts para sa mga edad 18 at pataas. Ang Convidecia ay maaari ring gamitin bilang isang booster dose kasunod ng nakumpleto nang primary series gamit ang alinmang EUL Covid-19 vaccine.
Ginamit na ito sa ilang mga bansa gaya ng China, Argentina, Chile, Malaysia, Mexico at Pakistan.
Ayon sa WHO, sa pagtatapos ng 2021, higit 58 milyong katao na ang nabakunahan ng Convidecia, kabilang ang halos 14 na milyon sa China.
Sa ngayon, ang WHO ay nakapagbigay na ng EUL status sa siyam na Covid-19 vaccines at variations — Pfizer/BioNTech, AstraZeneca, Janssen, Moderna, Sinovac, Sinopharm, Bharat Biotech, Novavax at CanSinoBIO.
Ang Convidecia ay base sa isang modified human adenovirus. Ang AstraZeneca at Janssen vaccines ay kapwa base rin sa viral vector technology.
Sabi pa ng WHO . . . “Convidecia demonstrates a favourable safety profile in people across different age groups, eliciting strong immune responses with both binding and neutralising antibodies.”
Pinag-aaralan sa proseso ng EUL ang kalidad, kaligtasan at pagiging epektibo ng mga bakuna, kinapapalooban din ng pag-inspeksiyon sa manufacturing site.
Sinimulan ng WHO ang pagrepaso sa rolling data ng CanSinoBIO vaccine noong Agosto.
Ang iba pang mga bakuna ay nasa landas na rin patungo sa isang EUL decision, kung saan pinag-aaralan ng WHO ang rolling data sa isa pang Sinopharm jab, at mga bakuna mula sa Sanofi ng France, Clover ng China at Zhifei Longcom, at Shifa Pharmed ng Iran. Natigil naman ang EUL process sa Sputnik V vaccine ng Russia.