Cap sa interest rates ng lending at financing firms, ipatutupad ng SEC
Pamamahalaan ng Securities and Exchange Commission (SEC), ang pagpapatupad sa circular ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nagpapataw ng cap sa interest rates at iba pang fees na sinisingil ng financing at lending companies.
Sa inilabas na advisory ng SEC, binigyan nito ng 15 araw ang financing at lending companies upang magsumite ng komento sa draft memorandum circular kaugnay ng bagong regulasyon ng BSP tungkol sa cap.
Batay sa regulasyon, may 6% ceiling na itatakda kada buwan o katumbas ng 0.2% bawat araw para sa nominal interest rate sa covered loans.
Maximum 15% naman ang itinakdang limit sa interest rate kada buwan o 0.5% kada araw.
Kabilang dito ang nominal interest rate at applicable charge gaya ng processing, service, notarial, handling, at verification fees, subali’t hindi kasama ang fees at penalties para sa late payment o non-payment.
Five percent naman kada buwan ang ceiling sa penalties para sa late payment o non-payment sa outstanding scheduled amount due, at sa total cost cap na 100% o total amount borrowed.
Saklaw nito ang lahat ng interest, iba pang fees, charges at penalties anomang panahon nangyari ang loan.
Magpapatupad din ng cap sa unsecured, general-purpose loans na iniaalok ng lending firms, financing companies at online lending firms, financing companies at online lending platforms na hindi lalabis sa P10,000 na dapat bayaran sa loob ng 4 na buwan.
Ang mga hindi susunod sa interest rate caps ay maaaring pagmultahin ng P50,000 para sa financing companies, habang P25,000 naman sa lending companies para sa 1st offense, at doble sa second offense.
Sa 3rd offense, maaaring magpataw ang SEC ng hanggang isang milyong pisong multa, suspensiyon ng financing at lending activities, at pagbawi sa certificate of authority to operate bilang financing at lending company.