Caretakers ng mga poultry farms sa Pampanga na nagtatapon nang direkta sa katubigan ng mga dumi ng hayop, inaresto ng NBI
Dinakip ng mga tauhan ng NBI-Environmental Crime Division sa Pampanga ang mga caretaker ng apat na poultry farms dahil sa pagtatapon ng mga dumi mula sa manukan nang direkta sa katubigan.
Tinukoy ang mga inaresto na sina Asisclo Simbajon, Cecilio Noli Amarante, Lorelie Sumampong at Rosewin Lugtu.
Ayon sa NBI, ang apat ay ang mga caretaker o overall supervisor ng ACMD Farm, CTS Poultry Farm, Visda Poultry Farm, at Isaruiz Poultry.
Dinala sa Office of the Provincial Prosecutor ng Pampanga ang apat para sa inquest proceedings.
Nagsagawa ng operasyon ang NBI sa mga poultry farms kasunod ng joint inspection ng kawanihan at DENR sa Sto. Tomas at Minalin sa Pampanga.
Nabatid ng mga otoridad na itinatapon nang direkta sa anyong tubig ang mga animal waste mula sa poultry farms nang walang tamang segregation, collection at disposal.
Dahil dito, kapag bumabaha ay humahalo ang nasabing water body na may kasamang dumi ng hayop sa Ilug Balen at Masoloso River sa Pampanga.
Kaugnay nito, sinampahan na rin ng NBI ng mga reklamong paglabag sa RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act at PD 1067 o Water Code of the Philippines ang mga owners ng poultry farms.
Ang mga ito ay sina Bernie Lugtu ng Isaruiz Poultry Farm Luna Shiela Cortes ng CTS Poultry Farm, Manolito Visda ng Visda Poultry Farm, at Jesusa Hinagpis ng ACMD Farm.
Moira Encina