Carlo Paalam, nagkamit ng silver medal sa Tokyo Olympics

Naragdagan ng isa pang silver medal ang Pilipinas matapos makuha ni Carlo Paalam ang ikalawa puwesto sa Boxing Men’s Flyweight (48-52kg) Division sa Tokyo Olympics.

Naging kapana-panabik ang paghaharap nina Paalam at Galal Yafai ng United Kingdom sa final bout mula sa unang round hanggang sa pagtatapos nito na nauwi sa split decision pabor sa British boxer.


Sa first round ay naging agresibo kaagad si Yafai at panay ang sugod kay Paalam na napapa-atras na lamang habang gumaganti sa suntok ng kalaban.

Maraming suntok ang pinakawalan ni Yafai hanggang sa bumagsak si Paalam matapos tamaan ng 1-2 combination.

Sa pangalawang round ay sinubukang bumawi ni Paalam sa pamamagitan ng mga solidong suntok sa mukha ng British boxer subalit nakakaganti rin ang kalaban na nagpatuloy pa rin sa pagiging agresibo

Sa 3rd and final round ay nag-iba na ng taktika ang British boxer at halos hindi na umaatake.


Nagpaikot-ikot na lamang ito kay Paalam bagamat sumusuntok pa rin paminsan-minsan na tila nag-uubos na lamang ng oras.

Dito ay sinubukan ni Paalam na maging agresibo para makabawi subalit madalas ay lumalayo na lamang sa kanya ang British boxer.


Sa huli ay tinanghal na kampeon si Yafai sa pamamagitan ng split decision.

Ang Pilipinas ay nakakuha ng 1 Gold, 2 Silver, at 1 Bronze medal sa Tokyo Olympics at kasalukuyang nasa ika-47 puwesto sa 83 mga bansang kasama sa medal tally.

Please follow and like us: