Cash card na may lamang fuel subsidy, posibleng magamit bago mag-Disyembre
Maaaring gamitin ng mga tsuper ng pampasaherong jeep na lubhang naapektuhan ng magkakasunod na oil price hike, ang cash card na may lamang fuel subsidy, bago mag-Disyembre.
Sinabi ni LTFRB Regional Director for NCR Atty. Zona Russet Tamayo, na tinatapos na nila ito kasama ng Landbank, at anumang araw ay maaari na itong makuha ng mga kwalipikadong benepisyaryo.
Nabatid na nasa 136,000 ang mga benepisyaryo ng fuel subsidy, kung saan 85,000 dito ang aktibo at higit 50,000 pa ang target na mabigyan ng cash card sa buong bansa.
Ayon kay Atty. Tamayo, nasimulan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pamimigay ng P7,200 per unit na fuel subsidy.
Mahigpit naman niyang pinaalalahanan ang mga tsuper ng jeep, na ang cash card ay laan lamang sa fuel subsidy at hindi maaaring i-withdraw o gamitin sa ibang bagay ang perang inilaan ng gobyerno na para lamang sa naturang programa.