Cashless payment option o electronic cash (e-cash), isinusulong sa isang barangay sa Mariveles Bataan
Isinusulong ng Barangay San Carlos sa bayan ng Mariveles Bataan, ang cashless payment option o electronic cash (e-cash) sa pamamagitan ng GCASH.
Ayon kay Barangay Captain Jester Ivan Recafrente, bumisita sa kanilang barangay ang mga kawani ng tanggapan ni 2nd District Rep. Joet Garcia at 1Bataan Pay, upang simulan na ang mga hakbangin sa pagkakaroon ng cashless payment option pangunahin na sa mga nagnenegosyo sa kanilang barangay.
Kaugnay nito ay nagsagawa ng orientation at registration sa mga dumalong mga negosyante sa barangay San Carlos ukol sa GCASH, upang lalong mapabilis ang anomang uri ng business transaction ng mga konsyumer ngayong panahon ng pandemya o new normal.
Dagdag pa ni Kap Jester Ivan, ang e-payment option ay magtataguyod ng kalusugan at kaligtasan ng mga konsyumer dahil hindi na kailangan pang magpasa-pasa ng pera, at maaari din itong magamit sa pagbabayad ng bills tulad ng kuryente, tubig, telepono, cable at iba pa.
Hinikayat naman ni Bernie Jett Nisay Chief of staff ni Cong. Joet Garcia ang mga namumuhunan sa San Carlos na magparehistro na sa GCASH.
Kamakailan din ay naipasa ang Sangguniang Barangay Resolution No.204 ng San Carlos, na pinagtitibay ang paggamit ng cashless payment para sa mga negosyo sa kanilang barangay.
Matatagpuan sa barangay San Carlos ang sentro ng kalakalan sa bayan ng Mariveles, o ang ibat-ibang uri ng business establishment kabilang na ang pamilihang bayan ng Mariveles.
Ulat ni Larry Biscocho