Cashless system, ipinatutupad na sa Correctional Institution for Women
Cashless at computerized na ang mga transaksiyon sa loob ng Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City.
Isinabay ito sa pagdiriwang ng Ika-93 Anibersaryo ng pagkakatatag ng CIW.
Sa ilalim nito, magkakaroon ng bank book ang lahat ng inmates kung saan itatala ang mga ipinadadalang pera sa kanila.
“ May bank book sila tapos mareregister sila dito na may pera sila nakatabi and because meron sila deposit gusto nilang umorder nang anuman na kailangan nila using their finger prints pipindot lang sila dito” pahayag ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr.
Pinapayagan ang inmates na humawak nang hanggang P2,000 kada linggo para sa pagkain at iba pang pangangailangan.
Sa ngayon ay may isa pa lamang na kiosk para sa cashless system sa CIW na may populasyon na mahigit 3,000 Persond Deprived of Liberty (PDL).
Sa kiosk ay makikita ang mga produkto at serbisyo na available at doon na rin magbabayad ang PDLs gamit ang e-wallet na GCash.
Ayon pa sa BuCor Chief, inilunsad ang cashless system sa CIW para mahinto ang mga ilegal na transaksiyon sa loob ng piitan tulad ng mga ilegal na droga, alak at sugal.
“ Because meron silang perang umiikot ginagamit nilang magpustahan magsugal bumili ng drugs so kung mawawala cash malilimit natin ito ” ani Catapang.
Siniguro ni Catapang na hindi mananakaw o mawawala ang pera ng PDLs dahil nakarekord ang mga transaksiyon sa computer system.
Target ng kawanihan na ipatupad ang cashless system sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City at sa lahat ng penal colonies ng BuCor.
Samantala, bahagi rin ng selebrasyon ng CIW Anniversary , pinarangalan ang ilang natatanging tauhan ng BuCor.
Pinagkalooban din ang mga babaeng inmate ng mga pagkain, hygiene kits at mga gamot na donasyon mula sa NGOs.
Moira Encina