CCTV footages sa shootout sa pagitan ng mga pulis at PDEA agents sa Commonwealth Avenue, nakuha na ng NBI- Justice Sec. Guevarra
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng NBI sa nangyaring shootout sa pagitan ng mga tauhan ng Quezon City Police District at operatiba ng PDEA sa Commonwealth Avenue noong Pebrero 24.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nakuha na ng NBI ang mga CCTV footages kaugnay sa nangyaring insidente.
Bukod dito, nakalap na rin anya ng NBI ang mga affidavits o testimonya ng mga testigong sibilyan sa pangyayari.
Ayon pa sa kalihim, hawak na rin ng NBI ang mga sinumpaang salaysay ng mga pulis at PDEA agents na sangkot.
Ang NBI ang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging sole investigator sa shooting incident kung saan apat ang namatay.
Una nang bumuo ang kawanihan ng composite team para sa imbestigasyon.
Iginiit ng parehong PNP at PDEA na nagsasagawa sila ng lehitimong anti-drug operations sa lugar noong Pebrero 24.
Moira Encina