Ceasefire deal ng Libya niratipikahan na ng UN Security Council
Niratipikahan na ng UN Security Council ang ceasefire na napagkasunduan noong October 23 ng magkalabang partido Sa Libya.
Kaugnay nito ay nanawagan ang UN Security Council sa magkabilang panig, na ipatupad ng buo ang kasunduan.
Ayon sa diplomatic sources, ang deklarasyon ay agad na susundan ng isang UN resolution.
Nakasaad sa deklarasyon, na malugod na tinatanggap ng mga miembro ng Security Council, ang permanenteng kasunduan sa tigil-putukan na nilagdaan sa Geneva sa ilalim ng proteksyon ng UN, at nanawagan sa magkabilang panig na tuparin ang kanilang ipinangako.
Nanawagan din ang Security Council sa dalawang partido, na ipakita ang katulad na determinasyon para makabuo ng isang political solution, kapag sila ay nagpulong na sa November 9 sa Tunisia upang talakayin pa ang isyu.
Binanggit din sa deklarasyon na kailangan ng mga bansa at partido, na respetuhin ang arms embargo na ipinataw sa Libya noong 2011, at tapusin na ang anomang pakikialam galing sa labas sa usaping panloob ng bansa.
Nitong nakalipas na Biyernes, ay lumagda sa isang ceasefire agreement ang magkalabang paksyon sa Libya na agad ding nagkabisa, makalipas ang limang araw na pag-uusap sa Geneva na binigyang daan ng United Nations.
Matatandaang nagkaroon ng rebolusyon sa Libya at isang kumplikadong giyera sibil, matapos mapatalsik ang lider na si Moamer Kadhafi noong 2011, na kalaunan ay nahati sa dalawang pangunahing paskyon.
Ito ay ang National Unity Government sa Tripoli na suportado ng Turkey at Qatar, at ang pwersa ng military strongman na si Khalifa Haftar sa silangan ng Libya, na sinusuportahan naman ng United Arab Emirates, Egypt at Russia.
© Agence France-Presse