Centennial road sa Kawit, Cavite, nailawan na
Kamakailan ay ikinabit na ang solar-powered LED lights na magsisilbing street lights sa kahabaan ng Centennial Road sa Kawit, Cavite.
Marami sa mga dumaraan dito ay nagpapahayag ng pag-aalala sa maaring idulot na sakuna ng kawalan ng ilaw.
Kaugnay nito, nagpost sa social media si Kawit Mayor Angelo Aguinaldo, tungkol sa ipinakabit na LED light dahil sa matagal nang walang street lights sa nasabing highway.
Dagdag pa niya, ito ay mula sa pagkukusa ng Kawit LGU. Hindi man nila aniya responsibilidad ay kailangan nang maaksyunan para sa kaligtasan ng maraming dumaraan sa nabanggit na kalsada.
Sinasabing naidulog na rin sa kongreso ang naturang problema, ngunit hindi pa umuusad hanggang ngayon.
Samantala, umani naman ng iba’t ibang reaksyon sa social media ang nasabing proyekto. Marami ang natuwa at nagpasalamat sa ginawang aksyon, ngunit mayroon ding ilang bumatikos dito na iniuugnay sa paparating na halalan.
Sa kabilang banda, dahil sa pag-anunsyo sa proyektong ito, ilang mga hinaing pa sa iba’t ibang baranggay at bayan sa Cavite ang nabuksan at naiparating sa alkalde mula sa mga komento sa nasabing Facebook post.
Patuloy namang nagpapasalamat ang mga Caviteño, at umaasa sa patuloy na pag-unlad ng Cavite.
Pearl Lozada