Central Europe naghahanda para sa dagdag pang mga pagbaha, habang patuloy sa pagtaas ang bilang ng mga namamatay
Nagkumahog na lumikas ang mga residente ng ilang lugar sa Portugal at Czech Republic, habang sinimulan naman ng iba pa sa central Europe ang paglilinis, matapos na ang pinakamalalang baha sa mahigit dalawang dekada ay nag-iwan ng bakas ng pagkawasak at ng tumataas na bilang ng mga namamatay.
Matinding tinamaan ang border areas sa pagitan ng Czech Republic at Poland nitong weekend, habang ang malakas na pag-ulan na bumagsak simula pa noong isang linggo at ang pagragasa ng tubig ay nagpabagsak naman sa ilang mga tulay, nagbunsod ng sapilitang paglikas at sumira ng mga bahay at mga sasakyan.
Photo: Screen grab from Reuters
Hindi bababa sa 17 katao ang namatay sa baha mula sa Romania hanggang Poland sa nakalipas na ilang araw.
Nitong Lunes ng hapon ay nanawagan sa mga residente ang alkalde ng Nysa, isang bayan na may mahigit 40,000 populasyon sa southern Poland, na agad nang lumikas makaraang masira ang kalapit na floodbank.
Sa hilagang-silangan ng lungsod ng Oatrava sa Czech, isang nasirang barrier sa Odra river sa lugar saan nagtatagpo ito at ang Opava river, ang naging sanhi ng pagbaha sa industrial area ng siyudad kasama na ang BorsodChem chemical plant, coking plant na OKK Kokxovny at iba pa.
Photo: Screen grab from Reuters
Daan-daang katao ang inilikas din mula sa marami pang residential areas.
Sa bayan naman ng Litovel sa Czech, na ang 70% ay lubog sa baha na ang lalim ay aabot sa isang metro (3.2 talampakan), ay ibinahagi ng mga residente ang kanilang pangamba dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig nitong weekensd.
Kuwento ng 39-anyos na si Renata Gaborova, “I was just very, very afraid. I ran away because the water was rising very quickly near the house.”
Nag-anunsiyo naman ang gobyerno ng Poland ng isang state of natural disaster sa mga apektadong lugar at sinabing naglaan na ito ng 1 billion zlotys ($260 million) upang tulungan ang mga biktima.
Sinabi ni Prime Minister Donald Tusk na nakikipag-ugnayan na siya sa mga pinuno ng iba pang apektadong mga bansa, at hihingi aniya sila sa European Union ng financial aid.
Photo: Screen grab from Reuters
Inilarawan ng 16-anyos na si Szymon Krzysztan habang nakatayo sa town square ng Ladek Zdroj, “Losses from the floods is unimaginable. It’s a city like in an apocalypse. It’s a ghost town.”
Ayon naman sa 70-anyos na si Jerzy Adamczyk, “Armageddon. It literally ripped out everything because we don’t have a single bridge. In Ladek, all bridges have disappeared. We are practically cut off from the world.”
Samantala sa Jesenik, isang bayan sa Czech sa kabila ng border na nalubog sa baha noong Linggo, ay nagsimula na ang isang clean-up activity makaraang bumaba ang lebel ng tubig-baha kung saan naglitawan na ang sirang mga sasakyan at debris sa mga lansangan.
Photo: Screen grab from Reuters
Sinabi ng isang residente doon na si Zdenek Kuzilek, “There were two metres of water that ran through the street. There are many, many destroyed cars. Telephones are not working, there is no water, no electricity.”
Sa eastern Romania, na ang mga village at mga bayan ay nalubog sa baha sa nagdaang weekend, sinabi ni Emil Dragomir, alkalde ng Slobozia Conachi, na ilan sa mga lumikas ay walang nadala kahit ano maliban sa damit na suot nila.
Bagama’t ang tubig ay humuhupa na sa ilang lugar, may ibang lugar, gaya ng Wroclaw, isang siyudad sa Poland na may nasa 600,000 populasyon, na naglalagay naman ng panangga laban sa baha na patungo na sa kanilang lugar.
Sa Romania, ang baha ay ikinamatay ng pito katao sa nakalipas na ilang araw. Isang Austrian firefighter naman ang namatay noong Linggo. Sa estado ng Lower Austria na nakapaligid sa Vienna, dalawang lalaki edad 70 at 80 ang natagpuang patay dahil sa pagkalunod sa loob ng kanilang bahay, ayon sa isang tagapagsalita ng pulisya.
Ayon pa sa mga pulis, apat katao rin ang namatay bilang resulta ng mga pagbaha sa Poland, at sa Czech Republic ay tatlo ang namatay sabi ng isang police official.
Photo: Screen grab from Reuters
Kapwa naman naghahanda ang Bratislava, kapitolyo ng Slovakia at ang Budapest na kabisera ng Hungary, para sa posibleng pagbaha dahil na rin sa pagtaas ng lebel tubig sa Danube River.
Sinabi ni Hungarian Interior Minister Sandor Pinter, na nakapokus ang kanilang mga pagkilos upang mapigilan ang pag-apaw ng ilog at idinagdag na 12,000 mga sundalo ang nakastandby upang tumulong.
Sa Austria, ang lebel ng tubig sa mga ilog at reservoirs ay bumaba na dahil sa paghina ng ulan, ngunit sinabi ng mga opisyal na naghahanda sila para sa isang “second wave” bunsod ng inaasahang mas malalakas pang mga pag-ulan.