CEO ng Rappler na si Maria Ressa, binigyan ng 10 araw para sagutin ang Cyber Libel na inihain laban sa kaniya
Binigyan ng sampung araw ng National Bureau of Investigation o NBI ang CEO ng Rappler na si Maria Ressa na inihain laban sa kaniya ng negosyanteng si Wilfredo Keng.
Si Ressa ay nagtungo sa NBI Cybercrime division kasama ang kaniyang abugado matapos ipa-subpoena dahil sa reklamong paglabag sa Republic Act 10175 o Anti-Cybercrime Law.
Ang reklamo ni Keng laban kay Ressa ay nag-ugat sa lumabas na ulat sa Rappler noong Mayo 2012 kung saan sinabi na pagmamay-ari raw ng negosyante ang itim na SUV na ginagamit noon ni dating Chief Justice Renato Corona.
Ayon kay Ressa, wala siyang kopya ng nasabing reklamo na inihain noong October 2017 kaya nagtungo siya sa NBI para alamin ang detalye.
Iginiit ni ressa na atake sa kalayaan sa pamamahayag ang ginagawa sa kanila.
Kwestyonable rin aniya ang timing ng reklamo sa kanya na ukol sa artikulo ng Rappler noon pang 2012.
Malinaw anya na may pattern o intensyon na gawing krimen ang journalism sa bansa.
Maliban sa pagbigay sa kanila ng kopya ng reklamo, tumanggi si Ressa na ihayag ang napag-usapan sa pagpupulong dahil sa confidentiality.
Pero maayos aniya ang naging takbo ng kanilang pagharap sa NBI.
Sinabi naman ni NBI office of cybercrime Chief Manuel Eduarte na magandang pagkakataon ito para marinig ang panig ni Ressa.
Sa oras na maghain ng kontra-salaysay aniya si Ressa ay saka nila i-evaluate ang kaso at magsumite ng rekomendasyon.
Bukod kay Ressa, ipinatawag rin ng NBI ang dating Rappler reporter na si Reynaldo Santos at Benjamin Bitanga, may-ari ng Dolphin Fire na shareholder ng Rappler Holdings pero ang mga abogado ng mga ito na lang ang humarap sa kawanihan.
Ulat ni Moira Encina
=== end ===