ChaCha, pinangangambahang mauwi sa deadlock ayon sa mga Senador
Posibleng mauwi lang sa Deadlock ang isinusulong na pagbabago sa saligang batas kapag ipinilit ng Kamara na isama sa babaguhin ang Political Provisions ng Konstitusyon .
Ito ang ibinabala ni Senador Robinhood Padilla matapos pagtibayin ng House Committee on Constitutional Amendments ang panukalang magsagawa ng Constitutional Convention na siyang magbabago ng 1987 Constitution.
Ayon kay Padilla kapag nangyari ito, wala na namang pupuntahan ang ChaCha tulad ng nangyari sa mga nakaraang Kongreso .
Umapila si Padilla sa kaniyang mga kapwa mambabatas sa Kamara na mas mabuting unahin muna sa ngayon ang pagbabago sa Economic Provisions para luwagan ang pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan.
Hindi naman pabor si Padilla sa ConCon bilang paraan ng pag amyenda dahil mas magastos ito at walang pagkukunan ng pondo ang gobyerno para dito.
Bukas naman ang ilang Senador sa ChaCha pero hindi sa pamamagitan ng ConCon.
Ayon kay Senador Sonny Angara, bukas siya sa anumang amyenda pero hindi sa pamamagitan ng ConCon at hindi dapat makinabang ang mga nakaupo sa gobyerno.
Bukod sa mas magastos mas matrabaho aniya ang ganitong proseso.
Pinuna rin ni Angara ang ipinapanukalang sampung libong pisong sweldo kada araw ng mga delegado na Hindi aniya kakayanin ng gobyerno.
Pero si Senador Nancy Binay, mahigpit na tumututol sa anumang porma ng ChaCha.
Kung ang isyu lang raw ng ekonomiya ang pag uusapan, maari namang pagspasan ang pagbalangkas ng Implementing Rules and Regulations sa mga naipasanang batas na magpapalakas sa ekonomiya
Iginiit ni Binay na dapat unahin ang mga solusyon sa mga problema ng taumbayan tulad ng pagkain at trabaho para sa mahihirap
Ngayong linggo makikipagdayalogo si Padilla sa publiko para alamin ang tunay na pulso tungkol sa ChaCha.
Target ng komite ni Padilla na makagawa ang Committee Report hinggil dito sa hulyo para maisabay ang Plebesito para dito sa Baranggay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre ngayong taon.
Pero sa ngayon wala pa raw sapat na suporta ang ChaCha sa senado maliban sa kaniyang mga kapartido sa PDP laban.
Meanne Corvera