Charter Change itinutulak na sa Kamara sa pamamagitan ng Con-Con
Isinusulong ni Camarines Sur Congressman LRay Villafuerte ang pag-amyenda sa 1987 Constitution sa pamamagitan ng Constitutional Convention o Con-Con.
Sa House Bill 4926 o Constitutional Convention Act, sinabi ni Villafuerte na layunin nito na i-akma sa panahon ang mga probisyon ng Konstitusyon dahil marami na ang nagbago sa mahigit tatlong dekada mula ng mapagtibay ang 1987 Constitution.
Batay sa panukalang batas, ang mga miyembro ng Con-Con ay ihahalal at isasabay sa eleksiyon ng Barangay at Sangguniang Kabataan sa 2023.
Ang Commission on Elections o COMELEC ang bubuo ng implementing rules and regulations ng gaganaping Con-Con elections.
Ang sinumang delegado ng Con-Con ay hindi maaaring maitalaga sa ibang government position isang taon pagkatapos maamyendahan ang Saligang Batas.
Mayroong taning na dalawang taon para tapusin ng Con-Con ang pagbabago ng Konstitusyon.
Vic Somintac