Charter Change, wala sa agenda ng Senado
Wala sa agenda ng Senado ang ilang panukalang batas na itinutulak at inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Kabilang na rito ang pag-amyenda sa ilang economic provisions ng Saligang Batas o Charter Change na lusot na sa second reading ng Kamara at panukalang Bayanihan Law 3.
Apat na araw na lang ang nalalabi sa sesyon ng dalawang Kapulungan bago ang kanilang dalawang buwang break.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, bukod sa kulang ang oras ng Senado, hindi naman inendorso ni House Speaker Lord Allan Velasco ang panukala nang magpulong sila kasama ang Malacañang para sa magiging legislative agenda.
Bukas may ikalawa silang pulong sa Kamara pero kahit pa isama ito ng Kamara, gagahulin na ng panahon ang Senado.
Iginiit naman ni Sotto na kahit hindi lumusot ang ChaCha, hinahabol naman ng Senado ang mga panukalang magpapasigla at makatutulong para makabangon ang ekonomiya ng bansa ngayong may Pandemya.
Meanne Corvera