Charter Change walang kinalaman sa pamumulitika ayon kay Senador Robin Padilla
Hindi raw pulitika ang dahilan ng pagpupursige ni Senador Robin Padilla na paamyendahan ang saligang batas.
Sa public hearing ng Senate Committee on Constitutional Amendments sa Davao City, sinabi ni Padilla na kailangan nang rebisahin ang economic provisions ng 27 taon ng saligang batas.
Ito’y para paluwagin ang mga patakaran sa pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa para lumikha ng mas maraming trabaho sa mga kapwa Pilipino.
Aniya, mismong ang Bangko Sentral ng Pilipinas ang nagsabing bumagsak ang foreign investment ng Pilipinas mula 2018 hanggang 2020.
Hindi naman aniya maaring umasa lang ang Pilipinas sa Regional Comprehensive Partnership Agreement dahil tatagal pa ng sampu hanggang labinlimang taon bago mapakinabangan ang epekto nito sa ekonomiya.
Naninindigan si Padilla na dapat constituent assembly ang gamiting proseso kaysa sa Constitutional Convention na mahaba at magastos.
Pero ayon kay Atty. Eula Pertubos-Arias ng Jose Maria College of Law, mas akma ang CON-CON dahil bibigyan nito ng pagkakataon ang mga Pilipino na makiisa sa pagbabago ng konstitusyon sa pamamagitan ng pagboto ng mga uupong delegado na magrerebisa sa saligang batas.
Dagdag ni Arias, maaaring tingnan kung puwedeng limitahan lang ang maaring rebisahin ng CONCON delegates.
Nauna nang sinabi ng National Economic Development Authority na posibleng umabot sa dalawamput walong bilyong piso ang maaaring magastos sa pagdaraos ng CONCON pero maari pa itong bumaba kung isasabay ang plebesito sa paghahalal ng delegado sa baranggay at SK elections.
Kung sa CON-ASS naman, 13. 8 billion pesos ang kakailanganin para sa hiwalay na botohan, habang 30 million pesos lamang kung isasabay lamang sa BSKE.
Inaasahang magkakaroon pa ng dalawang public hearing ang Senado sa Luzon at Visayas.
Meanne Corvera