Chartered flights sa Boracay ibinalik na ng DOT
Tiwala ang Department of Tourism (DOT) sa patuloy na recovery sa turismo ng bansa dahil sa muling pagbabalik ng group travel at chartered flights sa Boracay Island mula sa top source markets gaya ng China.
Ayon sa DOT, aabot sa 180 Chinese tourists lulan ng chartered OK Airlines flight mula sa Changsha, China ang dumating sa Boracay noong Abril 18.
Ito ang unang chartered flight galing sa Tsina mula nang buksan muli nito ang international travel noong Enero 8.
Sinabi ng DOT na ang Chinese tourists ang nangunang foreign visitors sa Boracay na mahigit 434,000 noong 2019.
Sa tala pa ng DOT, aabot sa mahigit 1.7 milyon na turista mula sa China ang bumisita sa Pilipinas noong 2019.
May dalawang satellite offices ang DOT sa mainland China partikular sa Beijing at Shanghai para mapangasiwaan ang assistance sa promosyon at marketing ng turismo ng Pilipinas sa Chinese market.
Moira Encina