Checkpoint sa boundaries ng Tarlac at Pampanga lalong hinigpitan
Pinaigting pa ang checkpoint sa pangunguna ng Tarlac Highway Patrol Group sa boundary ng Tarlac at Pampanga, upang tiyakin ang seguridad ng inaasahang pagdami ng mga biyahero bilang panimula ng dalawang araw na Holiday.
Kinumpirma ni HPG Police Deputy Orfendo Abadilla ang pinahigpit na pagbabantay sa mga biyahero na nagmumula sa NCR at mga kalapit na probinsya. Tinitiyak nila na ang bawat biyahero ay nakasusunod sa health protocols na ipinatutupad Inter-Agency Task Force (IATF) tulad pagdadala ng travel pass.
Kapuna-puna na kakaunti lamang kung ikukumpara sa inaasahang dami ng mga sasakyan ang nagbibiyahe at karamihan sa mga ito ay motorsiklo.
Samantala, may naitalang dagdag na 134 bagong kaso ng COVID-19, kaya’t umaabot na ngayon sa 9,832 ang kumpirmadong kaso sa Tarlac.
Pinayuhan naman ni Abadilla ang publiko, na manatili na lamang sa tahanan upang hindi na makaragdag sa lumolobong dami ng COVID-19 cases.
Ulat ni Kiirch Fernandez