CHED Chairman Prospero de Vera kinalampag sa Kongreso sa hindi paggamit ng Higher Education fund
Tinawagan ng pansin ng isang mambabatas ng Mababang Kapulungan ng Kongreso si Commission on Higher Education Chairman Prospero de Vera dahil sa hindi nito paggamit ng Higher Education Development Fund o HEDF na nagkakahalaga ng 10 bilyong piso simula pa noong taong 2021.
Sinabi ni Northern Samar Congressman Paul Daza na hindi responsableng pinuno ng CHED si de Vera dahil pinagkakaitan nito ang mga estudyanteng mahihirap na lubhang nangangailangan ng ayuda ng gobyerno.
Ayon kay Daza ang HEDF ay perang inilaan ng pamahalaan para sa pagpapalakas ng Higher Education Institution o HEI sa kapakinabangan ng mga mag-aaral na nasa uring poorest of the poor.
Inihayag ni Daza ang hindi paggamit ng binabanggit na pondo na inilaan ng Kongreso ay hindi maituturing na savings kundi mismanagement.
Binigyang diin ni Daza lumitaw sa pinakahuling pagdinig ng House Committee on Higher Education lumilitaw na nasa pitong libong mga mahihirap na estudyante ang nakinabang sa HEDF mula sa mahigit na isang milyong benepisyaryo.
Niliwanag ni Daza na batay sa record ang college student dropout sa bansa dahil sa kahirapan ay nasa 25 hanggang 30 percent na sinasabing pinakamataas sa buong rehiyon ng Asya.
Iginiit ni Daza ang hindi pagbibigay ng tamang educational assistance sa mga mahihirap na estudyante ay paglabag din sa Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Vic Somintac