Chief Justice Alexander Gesmundo naglatag ng 5 year plan para sa hudikatura
May nakalatag ng “strategic plan” si Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo para masiguro na mapapanatiling efficient at accountable ang mga korte sa bansa sa susunod na 5 taon.
Sa virtual launching ng Justice Sector Reform Programme: Governance in Justice (GOJUST II), isang proyekto na sinuportahan ng European Union, iginiit ni Gesmundo na dapat real time ang delivery ng mga serbisyo ng Hudikatura.
Umapila naman si Gesmundo sa kanyang mga kasamahaan sa SC na suportahan ang
implementasyon ng five-year plan hanggang 2026.
Karapatan aniya ng mga Filipino na magkaroon ng isanv judiciary na may competence, integrity, probity, at independence.
Dapat din umanong maibigay ng judiciary ang pantay na access sa katarungan sa takdang panahon at masiguro ang transparency at accountability upang mapataas ang kumpiyansa ng publiko sa hudikatura.
Imomonitor at isasalang din aniya ng SC sa evaluation ang performance ng mga justices, judges, at court officials at mga personnel nito.
Para masolusyunan naman ang delay at pangangailangan ng litigants, nagtatag sila ng Justice Sector Coordinating Council (JSCC) sa iba’t ibang Justice Zones sa bansa kung saan maaring mag-convene at talakayin ng mga korte, prosecution, law enforcement, correctional institutions, at community ang mga problema.
Tiniyak naman ni Gesmundo na sa panahon ng kanyang pamumuno, patuloy na gagabay ang GOJUST sa pagtatatag ng mga karagdagang Justice Zones.
Binigyang pansin din ni Gesmundo ang kahalagahan ng teknolohiya sa paghahatid ng hustisya.
Kaya naman, dapat aniya’y maging handa rin ito sa technological evolution.
Madelyn Moratillo