Chief Justice Diosdado Peralta hiniling sa DENR na isumite ang mga scientific findings sa epekto ng Dolomite sa kalusugan ng tao
Nais ni Chief Justice at SC Manila Bay Advisory Committee Chair Diosdado Peralta na makita ang mga scientific studies at findings ukol sa epekto ng dolomite sa kalusugan ng tao.
Ito ay kasunod ng isinagawang pag-i-inspeksyon ni Peralta at ng mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Manila Bay.
Kabilang sa siniyasat ni Peralta at DENR ang dolomite beach, at ang solar-powered sewerage treatment plant sa kahabaan ng Roxas Boulevard.
Ayon sa Supreme Court Public Information Office, hiniling ni Peralta sa DENR na isumite sa kanya ang mga pag-aaral sa epekto ng dolomite.
Si Peralta ang person-in-charge sa continuing mandamus case ng Manila Bay dahil siya na lamang ang natitirang mahistrado ng Korte Suprema na nagpalabas ng direktiba noong 2008 na linisin at i-rehabilitate ang Manila Bay.
Sa ilalim ng Internal Rules ng Supreme Court, kung sino ang justice ang nasa Korte Suprema pa at lumahok sa desisyon ay siyang magiging ponente ng kaso.
Una nang isinumite ng DENR kay Peralta ang quarterly report nito sa status ng Manila Bay clean -up.
Sa nasabing report, tinalakay ng DENR ang mga clean- up activities at ang rehabilitasyon sa Baywalk.
Binanggit sa ulat ang press statement ng DOH na nagsasabing hindi mapanganib sa kalusugan ang dolomite at ito ay ginagamit din ng ilan resorts sa Pilipinas at sa ibang bansa.
Moira Encina