Chief Justice Lucas Bersamin hindi minamaliit ang mga alegasyon na sangkot sa droga ang ilang mga hukom
Hindi raw maliit na bagay ang pagkakadawit ng ilang hukom sa kalakalan ng iligal na droga.
Ayon kay Chief Justice Lucas Bersamin, hindi maaring balewalain ng Korte Suprema ang nasabing ulat na nagmula mismo sa Office of the President.
Ito ang dahilan kaya inatasan nila si Justice Diosdado Peralta na imbestigahan at makipagunayan sa PDEA ukol sa sinasabing listahan ng mga narco judges.
Gayunman, Hindi rin naman anya pwedeng basta na lamang nila kondenahin ang mga kasamahan nila sa hudikatura nang walang batayan.
Sinabi pa ni Bersamin na otomatiko na sinisiyasat ng Supreme Court ang anumang ulat ukol sa mga tiwaling hukom.
Kapag may basehan anya ang alegasyon laban sa mga hukom ay aaksyunan ito ng Korte Suprema.
Inihayag pa ng Chief Justice na hindi nila mamadaliin si Peralta sa imbestigasyon nito dahil sa seryosong alegasyon ang droga.
Ulat ni Moira Encina