Chief Justice Lucas Bersamin walang nakikitang dahilan para imbestigahan ng taga-ibang bansa ang isyu ng gyera kontra droga ng pamahalaan
Walang nakikitang dahilan si Chief Justice Lucas Bersamin para pakialamanan ng ibang bansa ang isyu ng giyera kontra droga ng Pilipinas.
Ito ang sagot ni Bersamin nang tanungin kaugnay sa resolusyon ng United Nations Human Rights Council para imbestigahan ang drug war sa Pilipinas dahil sa sinasabing mga paglabag sa karapatang pantao.
Sinabi ni Bersamin na sang-ayon siya sa pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na walang breakdown sa sistema ng hustisya ng bansa at minority resolution lamang ng UNHRC ang pagpapatawag nito ng imbestigasyon sa drug war ng Pilipinas.
Bilang miyembro ng hudikatura, iginiit ni Bersamin na walang rason para panghimasukan ng ibang bansa ang mga isyu sa Pilipinas.
Tumanggi na si Bersamin na palawakin ang kanyang pahayag dahil hindi naman siya arkitekto ng ugnayang panlabas ng bansa.
Ulat ni Moira Encina