“Chikiting Ligtas Sa Dagdag Bakuna Kontra Rubella, Polio At Tigdas,” inilunsad sa 14 Barangays ng Bulakan
Inilunsad ng Department of Health (DOH) ang proyektong may temang “Chikiting Ligtas Sa Dagdag Bakuna Kontra Rubella, Polio at Tigdas,” sa 14 na Barangay sa Bulakan, Bulacan.
Ang nabanggit na pagbabakuna ay itinakdang gawin sa Central Luzon mula Pebrero 1-28, 2021.
Ang bakuna kontra tigdas ay para sa mga batang may edad na 0 hanggang 5 taon, habang ang bakuna kontra polio at rubella ay para sa mga batang may edad 9 na buwan hanggang 5 taon.
Sa Sitio Hulo ng Barangay Balubad ay sinimulan ang proyekto nitong ika-2 ng Pebrero, na ginanap sa basketball court ng Sitio. Mahigpit namang ipinatupad ang health and safety protocols habang ginaganap ang pagbabakuna.
Ang mga health worker na magbibigay ng bakuna ay sumailalim muna sa swab test upang matiyak na negative sila sa COVID-19.
Sa pagsasagawa ng aktibidad, ang mga batang nakatapos nang bakunahan ay nilalagyan ng indelible ink sa 2 kuko at maghihintay ng 15 minuto sa inilaang waiting area upang maobserbahan kung may epekto ang bakuna sa bata.
Ang aktibidad na ito ay tatagal hanggang Biyernes upang mabigyan ng pagkakataon ang mga magulang at matiyak na mapabakunahan ang kanilang anak o mga anak.
Ulat ni Dhen Mauricio Clacio