China Amb. sa PHL, dapat nang palayasin – Senators
Ipinadedeklara ng mga Senador na persona non grata si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian at agad itong ipa-repatriate sa kanilang bansa.
Kasunod ito ng panibagong pag-atake ng water cannon ng Chinese Coast Guard CCG) sa mga barko ng Pilipinas.
Ayon kay Senador JV Ejercito, ang mga combative statement ng Chinese Ambassador ay hindi nakatutulong sa situwasyon dahil ang kailangan ngayon ay isang diplomatic figure na kayang pakalmahin ang lahat.
Iginiit ni Ejercito na hindi isolated incident ang paggamit ng water cannons ng CCG bagkus ay maituturing nang pattern of bullying na ilang buwan nang nangyayari.
Para kay Senate President Juan Miguel Zubiri, ang mapanganib na paggamit ng Tsina ng pinaniniwalaang long-range acoustic device ay hindi magiging katanggap-tanggap kailanman dahil buhay ng mga Pilipino ang nakataya rito.
Humanitarian mission aniya ang pakay ng mga sasakyang pandagat ng Pilipinas at hindi tama na binomba ito ng tubig ng Chinese Coast Guard.
Idinagdag ng Senador na malinaw ang intensiyon ng Chinese vessels na magdulot ng pinsala at targetin ang kagamitang pang-komunikasyon at nabigasyon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) vessels ng Pilipinas.
Naniniwala naman ang mga senador na ang paglalagay ng inflatable boats ng puwersa ng Tsina sa ating karagatan para palayasin ang mga bangkang pandagat ng mga Pilipinong mangingisda na naghihintay lamang ng suplay ng pagkain ay maituturing na walang puso at hindi makataong paraan.
Muling nanawagan ang Senador sa gobyerno na madaliin na ang modernization sa Armed Forces at palakasin ang ating defense posture.
Meanne Corvera