China nagbigay ng conditional approval para sa Pfizer Covid pill na Paxlovid
Sinabi ng China, na nagbigay ito ng “conditional” approval para sa Pfizer Covid-19 drug na Paxlovid, para ipanggamot sa adults na may mild to moderate Covid at may mataas na panganib na lumala ang karamdaman.
Sinabi ng National Medical Products Administration (NMPA), na kailangang magsagawa ng karagdagang pananaliksik sa gamot at isumite ito sa regulator.
Sa ngayon ay pinahintulutan ang Paxlovid sa ilang bansa kabilang ang United States at Israel, habang pinahintulutan ng European Union ang mga miyembrong estado nila na gamitin ito bago ang pormal na pag-apruba bilang isang emergency measure laban sa Omicron.
Hindi tulad ng mga bakuna sa Covid-19, hindi tina-target ng gamot ang patuloy na umuusbong na spike protein na ginagamit ng coronavirus para salakayin ang mga selula.
Ang China, kung saan unang lumitaw ang coronavirus noong huling bahagi ng 2019, ay hindi nag-apruba ng anumang bakuna laban sa Covid-19 na gawa ng ibang bansa.
Napabagal ng China ang pagsulpot ng mga bagong kaso, sa pamamagitan ng kanilang mahigpit na “zero-Covid” strategy ng targeted lockdowns, travel restrictions at mahahabang quarantine.
Ngunit ang Beijing ay nakikipaglaban pa rin sa ilang “isolated flare-ups,” kaya’t ini-lockdown nito ang isang siyudad sa timog ngayong linggo habang tumataas ang bilang ng mga kaso.
Ang “uncompromising approach’ ng China sa pandemya ay nagbunsod para ituloy ang Winter Olympics at gawin ito sa pamamagitan ng tinatawag na “closed loop,” upang mapigilan ang mga kalahok na magkaroon ng “contact” sa populasyon.
Ayon sa organisers, higit 400 mga kasong may kaugnayan sa palaro ang kanilang nakumpirma.