China tiniyak ang kooperasyon sa Pilipinas para umusad ang loan deals sa tatlong malalaking railways projects
Ikinalugod ng China ang direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa DOTr na bisitahin muli ang loan agreements ng Pilipinas sa Tsina para sa tatlong malalaking railway projects.
Ang mga ito ay ang Subic-Clark Railway Project; Philippine National Railways (PNR) South Long-Haul Project at ang Davao-Digos segment ng Mindanao Railway Project (MRP).
Una nang kinansela ng nakaraang Duterte government ang mga loan deals.
Sa statement ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Wang Wenbin na inilbas ng Chinese Embassy, sinabi nito na makikipagugnayan sila sa bagong administrasyon ukol sa mga nasabing proyekto.
Tiniyak ni Wang na iuusad nila ang mga railways projects.
Siniguro rin ng Chinese official na ieexplore din nila ang ibang proyekto sa Pilipinas habang ipinapatupad ang mga umiiral na infrastructure projects.
Ilulunsad din aniya ng Tsina ang mas marami pang proyekto na magtatakda ng bagong bench mark ng kooperasyon sa dalawang bansa na magpapaunlad sa mga imprastraktura ng Pilipinas.
Ayon pa kay Wang, ang Pilipinas ay kaibigan at kapitbahay ng China.
Palagi aniyang nakikita ng Tsina ang Pilipinas bilang prayoridad nito sa neighborhood diplomacy.
Inihayag pa ni Wang na nasa bagong starting point ang relasyon ng Pilipinas at China sa ilalim ng Marcos Government.
Moira Encina