China tutulong sa mga lubhang naapektuhan ng magnitude 7 na lindol sa bansa
Maging si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian ay naramdaman ang malakas na lindol na tumama sa Abra at yumanig sa mga kalapit na lalawigan at sa NCR noong Miyerkules ng umaga.
Patungo ang Chinese diplomat sa photo exhibition ng mga achievements sa kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa Pasay City nang mangyari ang lindol.
Sinabi ni Ambassador Huang na handa ang Tsina na magpaabot ng tulong at gawin ang lahat ng kanilang makakaya para sa mga Pinoy na naapektuhan ng lindol.
Hindi pa tinukoy ni Huang ang mga partikular na assistance na ibibigay ng Tsina sa mga biktima.
Magdidepende aniya ang mga tulong ng China batay sa assessment ng mga otoridad sa nangyaring lindol.
Sa pagbubukas ng photo exhibition ng tagumpay ng bilateral ties ng Tsina at Pilipinas, muling tiniyak ng ambassador ang suporta ng Chinese government sa Marcos Administration.
Hangad aniya ng China na maipagpatuloy ang kooperasyon sa Pilipinas pagdating sa agrikultura, enerhiya, imprastraktura at cultural and people to people exchange.
Kaugnay nito, umaasa si Huang na masimulan na rin muli ang negosasyon ng dalawang bansa pagdating sa oil at gas exploration sa ilalim ng bagong gobyerno para matugunan ang energy demands ng China at Pilipinas.
Moira Encina