China vlogger na kumain ng pating na kabilang sa vulnerable species, iniimbestigahan
Iniimbestigahan na ng pulisya ang isang Chinese influencer makaraang mag-viral ang isa niyang video clip kung saan makikitang iniihaw at kinakain niya ang isang great white shark.
Kinumpirma ng mga pulis sa central city ng Nanchong, na ang uri ng pating na makikitang kinakain ng vlogger, na kilala sa kaniyang online pseudonym na Tizi, ay isang great white shark.
Sa kaniyang video na ipinost sa kalagitnaan ng July ay sinabi ni Tizi na habang kinakain ang pating . . . “It may look vicious, but its meat is truly very tender.”
Makikita rin sa video, na dinelete na, ang pating ay dalawang metro ang haba at humiga pa sa tabi nito para ipakita na mas malaki ito sa kaniya. Pagkatapos ay hinati niya ito sa dalawa, nilagyan ng marinade at ginawang barbecue, habang ang ulo ay pinakuluan at ginawang spicy broth.
Ang great white sharks ay nasa talaan ng International Union for Conservation of Nature bilang isang “vulnerable species,” o isang hakbang na lamang bago mapabilang sa endangered species.
Sa China nasa protected list ito, at ang illegal possession nito ay maaaring maging resulta ng 5-10 taong pagkakabilanggo.
Subalit hindi pa malinaw kung mapaparusahan si Tizi na halos nasa walong milyon na ang followers.
Sinabi ni Tizi sa local media, na nakuha niya ang pating sa pamamagitan ng “legal channel,” pero ayon sa lokal na agriculture bureau “hindi naaayon sa katotohanan” ang kaniyang pahayag kaya iniimbestigahan na ng pulisya.
© Agence France-Presse