Chinese Covid-19 vaccine trials, inihinto ng Brazil
RIO DE JANEIRO, Brazil (©Agence France-Presse) — Sinuspinde ng health regulator ng Brazil, ang clinical trials ng isang Chinese-developed Covid-19 vaccine, matapos ang isang “adverse incident” na kinasasangkutan ng isang volunteer recipient.
Sa pahayag ng Anvisa, ipinag-utos nilang itigil muna ang clinical trial ng CoronaVac vaccine matapos ang isang “serious adverse incident” noong October 29.
Ayon sa Anvisa, hindi nito maibibigay ang detalye kung ano ang nangyari dahil sa privacy regulations, ngunit kasama sa mga nasabing insidente ang pagkamatay, potentially fatal side effects, malubhang kapansanan, hospitalization, birth defects at iba pang “clinically significant events.”
Ang pagsuspinde sa clinical trial ng CoronaVac, na dinivelop ng Chinese pharmaceutical firm na Sinovac Biotech, ay kasabay ng araw nang ipahayag ng US pharmaceutical giant na Pfizer, na ang sarili nilang vaccine candidate ay nagpakita ng 90 percent effectiveness, sanhi upang lumaki ang pag-asa ng global markets na matatapos na ang pandemya.
Ang Pfizer at Sinovac vaccines ay kapwa nasa Phase III trials na, ang final stage ng testing bago ang regulatory approval.
Paraho rin itong sinubok sa Brazil, ang bansang nakapagtala ng pangalawang pinakamataas na bilang ng namatay kasunod ng Estados Unidos, kung saan higit 162,000 katao na ang nasawi dahil sa COVID-19.
Ang CoronaVac ay nasangkot na sa isang magulong labanan sa pulitika sa Brazil, kung saan ang pinaka aktibong supporter nito ay si Sao Paolo Governor Joao Doria, isang pangunahing kalaban ng far-right President na si Jair Bolsonaro, na ang isinusulong naman ay ang kalabang vaccine na dinivelop ng Oxford University at pharmaceutical firm na AstraZeneca.
Isinulat ni Liza Flores