Chinese embassy hindi makikialam sa kaso ng tsinong nagtapon ng taho sa isang pulis
Dumistansya ang Embahada ng China sa kinakaharap na kaso ng kanilang kababayan na nagtapon ng taho sa isang pulis.
Sinabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo,nakausap niya si Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua at sinabi umano nitong hindi nila kinukunsinti ang ginawa ng kanilang kababayan na si Jiale Zhang sa pulis na taga-Mandaluyong City .
Nabanggit din anya ni Ambassador Zhao, hindi lahat ng Chinese ay katulad ng inasal ng inarestong Chinese student.
Ayon kay Panelo, hahayaan ng Chinese Embassy na harapin ng estudyanteng Chinese ang nagawa nitong paglabag sa batas lalo pa nga’t maraming Pinoy ang nagalit sa ginawa ng kanilang kababayan.
Ang Chinese student ay nasa kustodiya na ngayon ng Bureau of Immigation at nakakulong sa Camp Bagong Diwa para sumailalim sa Deportation proceedings.
==================