Chinese Foreign Minister Qin Gang bibisita sa Pilipinas ngayong linggo
Darating sa Pilipinas para sa official visit si Chinese State Councilor and Foreign Minister (SCFM) Qin Gang sa April 21 hanggang April 23.
Kasunod ito ng naging imbitasyon ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang pagbisita ng Chinese official ay pagpapatuloy sa serye ng high-level interactions sa pagitan ng Pilipinas at Tsina ngayong taon.
Kasunod ito ng state visit sa China ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Enero.
Ito ang unang in-person na pulong nina Qin at Manalo.
Magpapalitan ng pananaw ang dalawang opisyal sa kinalabasan ng Philippines-China Foreign Ministry Consultations at Bilateral Consultations Mechanism on the South China Sea noong Marso.
Inaasahang tatalakayin ng dalawang foreign ministers ang mga paraan para umusad ang implementasyon ng mga napagkasunduan sa pagitan nina Pangulong Marcos at Chinese President Xi Jinping.
Partikular na ang pagpapalakas sa kooperasyon sa agrikultura, trade, energy, infrastructure, at people-to-people relations, among others.
Pag-uusapan din nila ang regional security issues.
Ang pagbisita ni Qin sa bansa ay ang una niyang opisyal na engagement sa Pilipinas mula nang maitalaga ito bilang Foreign Minister at State Councilor noong Disyembre 2022 at Marso 2023.
Ang pagbisita ay sa harap din ng kasalukuyang kontrobersya sa harap ng pagtutol ng China sa ginawang pahintulot ng Pilipinas na bigyang access ang mga tropa ng Estados Unidos sa mga base sa lalawigan sa Norte sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA.
Tinututulan ng China ang pagpapahintulot ng Pilipinas na magamit ito sa ginagawa umanong panghihimasok ng Estados Unidos sa Taiwan na inaangkin naman ng Beijing na probinsyang sakop ng mainland China.
Moira Encina