Chinese national na umano’y nagbenta ng COVID vaccination slot sa Maynila, huli ng NBI
Arestado ng NBI ang isang Chinese national dahil sa sinasabing pagbenta ng COVID-19 vaccination slot sa Maynila.
Ayon sa NBI, ang suspek na si Xiao Chi alyas Feng Wang Qun ay nagpakilala sa complainant at biktima bilang miyembro ng Manila COVID-19 vaccination team.
Sinabi raw ng Chinese sa biktima na makukuhanan niya ito ng slot sa COVID vaccination dahil may koneksyon siya sa mga opisyal sa Barangay 239 sa Binondo, Maynila.
Napaniwala ng suspek ang biktima kaya nagbayad ito ng P18,000 kapalit ng slot sa pagbabakuna.
Matapos raw na mabayaran ang Chinese ay naging mailap na ito at palagi lang sinasabi sa biktima na maghintay lamang ito.
Naberika naman ng biktima kalaunan na hindi empleyado o konektado sa Manila vaccination team ang suspek at libre ang vaccine slot kaya inireport niya ito sa NBI.
Nagkasa ng entrapment operation ang mga otoridad matapos na kontakin muli ng Chinese ang complainant at inalok muli ito ng vaccine slot kapalit ng karagdagang P5,000.
Nagkasundo ang dalawa na magkita ng sumunod na araw sa mall sa Binondo.
Sa araw ng entrapment, nagkita ang dalawa at nagtungo sa loob ng Barangay Hall ng Brgy. 239.
Nilapitan naman ng mga operatiba ng NBI ang suspek habang papalabas na ito at ang biktima mula sa barangay hall.
Naramdaman ng suspek na may mga otoridad sa lugar at nagtangka pa itong disarmahan ang isang sa mga NBI operatives kaya nagkaroon ng komosyon sa lugar.
Naaresto rin ang suspek at nakuha mula rito ang marked money na inabot ng biktima at mga COVID vaccination IDs.
Sinampahan na ang lalaki ng mga reklamong estafa, direct assault at disobedience sa piskalya sa Maynila.
Patuloy naman na inaalam ng NBI sa follow-up investigation kung talagang konektado ang Chinese sa Manila vaccination team.
Moira Encina