Chinese navy warship, namataan sa Marie Louise Bank malapit sa El Nido, Palawan
Isang Navy Warship ng China ang namataan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Marie Louise Bank na nasa 147 nautical miles mula sa baybaying dagat ng El Nido, Palawan nitong nakaraang linggo.
Ayon kay Commodore Armand Balilo, tagapagsalita ng PCG, ang nasabing Navy Warship’ ay may watawat ng People’s Republic of China na markado ng Chinese character.
Matapos aniya itong mamonitor ng BRP Cabra ng PCG, mahinahon itong nagsagawa ng radio challenge habang mino-monitor ang galaw ng barko ng China gamit ang radar.
Para naman mas makita ang ginagawang aktibidad ng Chinese Navy Warship sa katubigang sakop ng Pilipinas, lumapit pa ang BRP Cabra.
Pero matapos walang matanggap na verbal response, ginamit ng BRP Cabra ang Long Range Acoustic Device para magpahatid ng verbal challenge sa nasabing Chinese Navy Warship.
Matapos nito, nagsimula umanong gumalaw ang barko palabas ng Marie Louise Bank.
Pero para makasigurong aalis talaga ang barko ng China sa katubigan na sakop ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas, sinundan ito ng BRP Cabra.
Matapos maramdaman na humigit-kumulang 500 – 600 yarda o 0.25 – 0.30 nautical mile na lang ang distansya ng BRP Cabra sa kanilang barko, nagbigay na ng mensahe sa pamamagitan ng radyo ang Chinese Navy Warship kung saan pinalalayo nito ng distansya ang barko ng PCG.
Hindi naman nagpatinag ang BRP Cabra at mahigpit pa ring binantayan ang Chinese Navy Warship hanggang sa tuluyan itong nakalabas ng Marie Louise Bank.
Ang pagpapatrolya ng BRP Cabra sa Marie Louise Bank at Kalayaan Island Group (KIG) sa Palawan ay bahagi ng misyon nito sa ilalim ng Task Force Pagsasanay.
Matatandaang noong Hunyo 30, matagumpay ring napaalis ng BRP Cabra ang limang ‘Chinese ship’ at dalawang ‘Vietnamese vessel’ na na-monitor sa Marie Louise Bank.
Madz Moratillo