Chinese Pres. Xi Jinping makikipagtulungan kay PBBM para sa pagpapabuti ng relasyon ng Pilipinas at China
Tiniyak ni Chinese President Xi Jinping na handa itong makaagapay si Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa pagpapaigting ng ugnayan ng Pilipinas at Tsina.
Ito ang nakasaad sa sulat ng pagbati ni Xi kay Marcos sa inagurasyon nito bilang ika- 17 presidente ng Pilipinas.
Sa kaniyang liham kay PBBM, sinabi ni Xi na handa itong makipagtulungan kay Marcos sa paglatag ng strategic at long-term na daan para sa pagpapaunlad ng relasyon ng dalawang bansa.
Handa rin ang Chinese president na ipagpatuloy ang pagsulat ng dakilang kabanata ng pagkakaibigan at kooperasyon ng Tsina at Pilipinas para sa bagong panahon at para sa ikabubuti ng dalawang bansa at mga mamamayan nito.
Umaasa rin ang China na itataguyod ng bagong administrasyon ang lumalago na pagkakaibigan at kooperasyon ng dalawang bansa.
Siniguro naman ng China ang committment nito kay BBM at sa gobyerno nito na palalakasin ang relasyon nito sa Pilipinas sa susunod na anim na taon.
Moira Encina