CIDG mayroon na lamang hanggang ngayong araw para isumite sa DOJ panel of prosecutors ang kumpletong address ng mga oposisyon na kinasuhan nito ng Inciting to Sedition
Mayroon lamang hanggang mamayang hapon ang PNP-CIDG para isumite sa DOJ special panel of prosecutors ang kumpletong address ng mga kinasuhan nito ng inciting to sedition kaugnay sa tinaguriang Project Sodoma.
Ayon kay Justice Undersecretary Markk Perete, binigyan ng 24 oras ang PNP- CIDG para tumugon sa nasabing kautusan ng DOJ panel na naatasang magsagawa ng pagdinig sa sedition case laban sa ilang taga- oposisyon.
Miyerkules ng hapon isinilbi ng DOJ ang direktiba nito sa CIDG.
Sinabi ni Perete na nahihirapan ang panel of prosecutors na mapadalhan ng subpoena ang mga respondents para sa isasagawang preliminary investigation dahil sa hindi ibinigay ng CIDG ang kumpletong address ng mga ito sa kanilang inihaing reklamo.
Ang DOJ special panel ay binubuo nina Senior Assistant State Prosecutor Olivia Torrevillas, Assistant State Prosecutor Michael Humarang at Assistante State Prosecutor Gino Paolo Santiago.
Ulat ni Moira Encina