Cinematographer, patay nang magpaputok ng prop gun ang isang aktor sa set ng ginagawa niyang pelikula
Patay ang cinematographer habang nasugatan naman ang direktor, nang magpaputok ng isang prop gun ang US actor na si Alec Baldwin sa set ng ginagawa nilang pelikula sa New Mexico.
Ayon sa US law enforcement officers, nangyari ang aksidente sa set ng “Rust” sa southwestern US state, kung saan si Baldwin ang lead role.
Batay sa pahayag ng sheriff sa Santa Fe, ang cinematographer na si Halyna Hutchins at direktor na si Joel Souza, ay tinamaan makaraang paputukin ni Baldwin ang isang prop firearm.
Ang 42 anyos na si Hutchins ay dinala sa isang pagamutan lulan ng helicopter, ngunit namatay din dahil sa tinamong sugat habang ang 48 anyos namang si Souza ay inihatid ng ambulansiya.
Wala pang kasong inihain kaugnay ng insidente na iniimbestigahan na, kung saan nagpapatuloy ang panayam sa mga nakasaksi.
Ayon sa tagapagsalita ng produksiyon . . . “The accident involved the misfire of a prop gun with blanks.”
Sinabi naman ng tagapagsalita ng sheriff na kritikal ang kondisyon ng direktor.
Nangyari ang insidente sa Bonanza Creek Ranch, isang production location malapit sa Sta. Fe na popular sa Hollywood filmmakers.
Karaniwan namang may mahigpit na panuntunan ang movie sets tungkol sa paggamit ng prop weapons, subalit may nangyayari pa ring mga aksidente.
Matatandaan na ang sikat na si Brandon Lee, anak ng martial arts legend na si Bruce Lee, ay namatay habang nasa set ng pelikulang “The Crow,” matapos itong tamaan ng baril na dapat ay blangko ang laman na bala.
Si Baldwin ay co-producer ng “Rust” at gumaganap sa papel ng lead role na si Harland Rust.
Ang aktor ay aktibo sa telebisyon at pelikula mula pa noong dekada 80.
Naging bida siya sa ilang high profile movies gaya ng “The Hunt for Red October” at sa dalawang franchise ng “Mission Impossible.” Ginamit din ang kaniyang boses sa ilang animated characters na naging hit sa takilya gaya ng “The Boss Baby.”
Bukod kay Baldwin, ang “Rust” ay kinatatampukan din ni Jensen Ackies na lumabas sa “Supernaturals,” at Travis Fimmel na mas kilala sa kaniyang papel bilang Ragnar Lothbrok sa “Vikings.”
Ang Bonanza Creek Ranch kung saan naganap ang insidente, ay pinagdausan na rin ng ilang produksiyon tulad ng “Hostiles,” “Cowboys & Aliens,” “3:10 to Yuma,” “Appaloosa” at “Longmire.” (AFP)