Citizen’s Crime Watch at VACC, nagmartsa sa labas ng Korte Suprema bilang pagsuporta sa desisyon nito sa Quo Warranto laban kay Sereno
Saglit na isinara ang bahagi ng Padre Faura street sa Maynila dahil sa ginawang pagmartsa ng ilang grupo pabor sa pagpapatalsik ng Supreme Court kay Maria Lourdes Sereno bilang Punong Mahistrado.
Ang martsa ay pinangunahan ng mga grupong Citizen’s Crime Watch at Volunteers Against Crime and Corruption.
Nagpasalamat ang mga grupo sa Korte Suprema sa naging desisyon nito sa quo warranto laban kay Sereno.
Mula sa tapat ng Korte Suprema ay nagmartsa ang grupo hanggang sa kanto ng Padre faura at Taft Avenue sa labas ng Centennial bldg ng SC at nagmartsa pabalik sa labas ng Supreme Court main building.
Bitbit at ikinabit din ng mga grupo ang kanilang mga tarpaulin na may mga katagang “Salamat po Korte Suprema” “Respect the Constitution” at “Celebrate the eight” na may larawan ng walong mahistrado na bumoto pabor sa Quo Warranto.
Samantala, muling nagsuot ng pula ang mga empleyado at opisyal ng Korte Suprema para sa ikinasang Red Monday Unity bilang pagsuporta sa naging desisyon ng Supreme Court en Banc sa Sereno Quo Warranto case.
Pinalakpakan ng mga kawani at opisyal ng SC ang anim na mahistrado na dumalo sa flag raising ceremony nang bumaba sa frontyard ng Korte Suprema.
Ang mga ito ay sina Acting Chief Justice Antonio Carpio, Associate Justices Presbitero Velasco, Teresita De Castro, Mariano del Castillo, Noel Tijam at Samuel Martires.
Dumalo rin si Court Admistrator Jose Midas Marquez at Philippine Judges Association President Felix Reyes.
Matapos ang flag raising ceremony, binasa sa harap ng mga mahistrado at empleyado ng Korte Suprema ang joint statement ng Philippine Judges Association, Supreme Court Assembly of Lawyer Employees, Philippine Association of Court Employees at Supreme Court Employees Association.
Sa kanilang joint statement, nanawagan sila sa publiko na maging mapayapa at pumanatag ang loob kasunod ng pasya ng Korte Suprema na paalisin si Sereno sa puwesto.