City of Ilagan balik MECQ na matapos ang dalawang linggong lockdown, bilang ng covid positive bumaba
Masayang ibinalita ni Ilagan City Mayor Josemarie Diaz, ang pagbaba sa bilang ng kaso ng COVID-19 sa kugar.
Ito ay sa isinagawang joint meeting ng City Interagency Task Force at City Disaster Risk Reduction And Management Council ng lungsod.
Paliwanag ng alkalde, ito ang resulta ng isinagawang lockdown sa buong lungsod kung saan pansamantalang nalimitahan ang kilos ng mga residente ng lugar at naiwasan ang paglaganap ng sakit.
Dagdag pa nito, bagamat sumipa sa 480 ang kaso sa lungsod AY bumaba na ito sa 47, at nabawasan na rin ang nasa quarantine facility ng lungsod dahil sa dami ng naitalang recovery.
Niliwanag rin ng lgu na wala na sa high risk area ang siyudad, gaya ng unang napabalita dahil tuloy tuloy ang bilang ng mga recovery at bumababa ang bilang ng mga nagpopositibo.
Gayunpaman, pitong mga barangay pa ang nanatili sa localized lockdown na tatagal ng hanggang November 4.
Ito ang mga barangay ng Baculud, Guinatan, Calamagui 1st, Baligatan, Alinguigan 2nd, Alibagu at Bliss.
Matapos nito, umaasa ang lokal na pamahalaan ng Ilagan na zero COVID case na ang lungsod sa November 5.
Ulat ni Erwin Temperante