City of Ilagan Medical Center binuksan bilang Community Isolation Center
Pormal nang binuksan ang City of Ilagan Medical Center, bilang Community Isolation Center ng lungsod dahil sa dumaraming bilang ng kaso ng COVID-19 sa lugar.
Sa datos ng City Health Office, 89% ang recovery o 1,176, 28 naman ang namatay at 119 ang aktibong kaso bagamat wala pang CV number ang 103 sa mga ito.
Ayon kay Ilagan City Mayor Josemarie Diaz, sa nakalipas na linggo ay nasa 16% lang ang average daily attack rate, pero sa huling datos ay pumalo na sa 8.50% ang positivity raye ng lungsod, o nasa kategorya nang high risk.
Kaya’t kahit hindi pa operational ang clinic ay pansamantala muna itong ginawang isolation facility.
Mayroon itong 100 bed capacity, at babantayan ng medical staff na nakatalaga sa lugar.
Umaasa naman ang punong lungsod na sa mga susunod na araw, ay bababa na ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa syudad, bunsod ng pagpapatupad ng localized lockdown sa 27 mga barangay.
Kasabay nito ay tiniyak ng alkalde, na maghahatid ng ayuda ang lokal na pamahalaan sa mga apektadong residente bago matapos ang sampung araw na lockdown.
Ulat ni Erwin Temperante