City of San Fernando Pampanga Police Station muling pinarangalan bilang top performing station ng Central Luzon
Napanatili ng City of San Fernando, Pampanga Police Station (CSFPS) ang posisyon nito bilang Central Luzon’s Top performing station para sa March 2021, makaraang makuha rin nito ang parangal bilang Top Standing para naman sa January at February 2021.
Ito’y matapos nilang manguna muli sa lahat ng mga Police Station sa buong rehiyon, sa isinagawang Unit Performance Evaluation Rating (UPER) ng Police Regional Office 3.
Ayon kay city police chief Lieutenant Colonel John Clark, ang UPER ang nagsisilbing pamantayan ng pulisya upang malaman kung nakatutugon sila sa hinihinging requirements ng Philippine National Police (PNP).
Sa kanyang ulat ay sinabi ni Clark, na mula Enero hanggang Marso 2021, ay nakapagsagawa sila ng 44 na operasyon para sa Anti-Illegal Drugs, 20 para sa Anti-Illegal Gambling, at 269 para naman sa mga lumalabag sa Community Quarantine Protocols.
Pinasalamatan naman ni Clark si Mayor Edwin “EdSa” Santiago, sa mahusay na pamumuno at suporta sa pulisya ng lungsod.
Nagpasalamat din ang alkalde sa pulisya sapagkat sa kabila ng mahirap na trabaho nila sa panahong ito ng pandemya, ay napananatili nila ang peace and order sa lungsod.
Ulat ni Hazel Sevilla